Nostalgia

There are places and spaces that you never really leave behind. For me, and for a lot out there I’m sure, it’s the University of the Philippines. Despite the reported crimes, the unbelievable competition in the academe, nothing can stop me from going back to this place I once called home.

Commencement speech given by Ryan Cayabyab
(Mr C of the entertainment world) in UP Diliman on
April 25, 2005 for Class 2005

‘Pitong bagay sa buhay na natutunan ko sa U.P’
by PROF. RYAN CAYABYAB

Maraming salamat po, magandang hapon po sa inyong
lahat. UP President Emerlinda Roman, former
presidents Jose Abueva and Noel Soriano, UP Diliman
Chancellor Dr. Sergio Cao, the Board of Regents,
U.P.faculty and administrative staff, co-professors
from the College of Music, classmates from UP High
1970, fellow alumni, graduates, and friends:

Malugod kong binabati kayong mga nagsisipagtapos
ngayong taong 2005.

Isang karangalan ang pagtayo ko dito upang maghatid ng
isang talumpati para sa inyo.

Huwag kayong mag-alala, maiksi lamang ang aking
sasabihin.

Kinikilala kong ako ay isang mamamayan ng UP. Unang
nasilayan ng aking mga mata ang sinag ng araw sa Area
1, UP Campus, sa may likuran ng Infirmary, kung saan
din nanirahan sina Wilfrido Ma. Guerrero, si NVM
Gonzales, si Jovita Fuentes, si Jose Maceda, at ang
mga Lansang, mga Manalang, mga Daza, Cailao, Lesaca,
Estrada at marami pang ibang mga pioneering faculty
members ng UP Diliman.

Ang nanay ko ay nagturo sa UP College of Music. Apat
kaming magkakapatid na lumaki sa sariwang hangin ng
Area 1, nanghuhuli ng tutubi at kuliglig sa araw,
kulisap naman sa gabi. Diyes ang Coca-cola, singko
ang Cosmos. Minsan sa isa o makalawang linggo, may
dumaraang truck ng DDT

(Dichlorodiphenyltrichloroethane) na nag-bubuga ng
makapal na usok pampatay ng lamok na nagdudulot ng
malaria. Lahat ng bata sa Area 1, at sa buong campus
ay sinasalubong itong truck, at kung kaya lang
naming magsiawit ng Haleluya noon ay ginawa na namin
dahil para kami lahat nasa ulap, nagtatakbuhan,
hinahabol at nilalanghap ang maputi at mabangong usok
ng DDT truck.

Napakasaya namin. Walang nagsabi sa amin na hindi
lamang lamok ang pinapatay ng DDT. Ngayong malalaki
na kami at nagbibiruan ang aming egroup na Area 1,
napagkasunduan namin na dahil sa DDT na yan, bawat
isa sa amin ay may bahid ng kabaliwan, depende sa dami
ng nalanghap na DDT.

Marami kaming laro noon sa Area 1 patintero, tumbang
preso, siyato,lastiko, gagamba, luksong tinik,
step-no, habulan, taguan, teks at holen, na sa palagay
ko ay sasabihin ninyong napakalow-tech kumpara sa
mga laro ninyo nung kayo’y mga bata. Meron kaming mga
sikretong tawagan, sipol at huni. Ang dami kong nais
ikuwento tungkol sa aking pagkabata ngunit mauubos ang
ating oras.

Nag-aral ako sa UP Elementary School at sa UP High
School. Matagal na panahon ding diyes lamang ang
bayad sa IKOT. Saan pa ba ako magkokolehiyo kundi sa
UP rin. Una akong pumasok bilang accounting major sa
UP College of Business Administration. Sa kabutihang
palad,
nauntog ako at na-realize ko na ako ay hindi pala
maalam sa pagbibilang ng pera.

Tinanggap ako at lumipat sa UP College of Music bilang
isang piano major. Nauntog na naman ako at natanto ko
na ako ay nagpapanggap lamang na isang Cecil Licad.
Mabuti naman at tinanggap ako ng Department of
Composition and Theory. Sa maniwala kayo’t hindi,
tinapos ko itong kurso, Bachelor of Music Major in
Composition suma suma-sampong taon bago ko nakuha ang
aking diploma. Aba! Naniwala pa sila sa akin at
kinuha akong guro. Dito ko nakilala ang isa kong
estudiyanteng napakaganda na una kong naging barkada
sa kainan at kantahan, nauwi rin sa simbahan. Halos
dalawampung taon din ako nagturo sa UP College of
Music.

Wala pang tatlong taon na ako ay nagbitiw bilang isang
assistant professor; akala ko’y doon na ang katapusan
ng aking koneksyon sa UP. Hindi pala, dahil ngayon
ang aking panganay ay kasalukuyang isang university
scholar sa College of Music.

Mababaw at maikling kasaysayan lamang ito. Gayon pa
man, kasaysayan pa rin. Para sa akin, napakahalaga ng
aking nakalipas at ito ay lagi kong babalik-balikan.

Habang ako ay papalayo ng papalayo sa aking
pinanggalingan, palalim nang palalim ang mga ugat na
aking tinatanim, sinisiguro ko lamang na hindi ako
maitutumba ng kahit ano mang malakas na bagyo o
delubyo na sa buhay ko ay sasapit.

Ngayon, nakita n’yo kung bakit napaka-halaga ng UP sa
aking buhay, sana ay maging sa inyo rin. Kahit hindi
ninyo na nasisilayan ang oblation, at hindi na
naririnig ang karilyon, nawa’y nasa puso at isipan
lagi ang paaralang kumupkop at nagpalawak ng isip ng
bawat isa sa inyo.

Naituro na lahat ng maituturo sa inyo ng inyong mga
guro. Alam naman natin na ang bawa’t isa sa atin ay
may natatanging angking galing.

Walang halaga ito kung hindi ninyo gagamitin para sa
ikabubuti at ikauunlad ng inyong komunidad, ng inyong
pamilya at ng buong sambayanan. Itanghal ninyo ang
inyong pagiging Pilipino na nag-aral sa U.P. kahit
saan kayo mapadpad.

Meron lang akong dagdag na pabaon sa inyo para lalong
di nyo malimutan, ang UP nating mahal.

Ito ang pitong mga bagay-bagay tungkol sa buhay na
natutunan ko sa U.P.:

1. Ang buhay ay parang IKOT jeep. Ang iyong
patutunguhan ay siya ring iyong pinanggalingan.

2. U.P. lang ang may TOKI, sa buhay wala nito. Pero
nasasaiyo na
yon kung nais mong pabaligtad ang takbo ng buhay mo.

3. Sa IKOT, puede kang magkamali ng baba kahit ilang
beses, sasakay ka lang uli. Sa buhay, kapag
paikot-ikot ka na at laging mali pa rin ang iyong
baba, naku, may sayad ka.

4. Sa U.P., lahat tayo magaling. Aminin nating lahat
na tayo’y magagaling. Ang problema dun, lahat tayo
magaling!

5. Kung sa U.P. ay sipsip ka na, siguradong paglabas
mo, sipsip ka pa rin.

6. Sa U.P., tulad sa buhay, ang babae at ang lalake,
at lahat ng nasa gitna, ay patas, walang pinagkaiba sa
dunong, sa talino, sa pagmamalasakit, sa kalawakan ng
isipan, sa pag-iibigan; at kahit na rin sa kabaliwan,
sa kalokohan at sa katarantaduhan.

At ang panghuli:

7. Sa U.P. tulad sa buhay, bawal ang overstaying.

Maraming salamat po!

Mayroon pa akong isang huling pabaon, galing sa puso
ko – para rin sa mga puso ninyo, ito ang napili kong
paraan upang maisalarawan ang tema ngayong hapon:

“Angking Galing Para sa Sambayanan”. Ito ay isang
awiting nilikha ko at ng aking kakaklase sa high
school na nagtapos din ng kolehiyo sa U.P., aking
musika sa titik ni Ome Candazo, sa tulong ng mga
kaibigan
ko sa San Miguel Master Chorale at San Miguel
Philharmonic Orchestra na pawang mga alumni ng U.P.

(music: R. Cayabyab, words: Romeo Candazo)
Sa ‘yo UP maraming salamat
Ikaw na aking tahanan
Mula sa aking pagkamulat
Hanggang sa aking huling hininga

Sa ‘yo UP maraming salamat
Ang iyong mga aral ang aking gabay
Baon ko ito sa paglalakbay
Hanggang mapanaw ang buhay

Kami’y lumaki sa iyong pag- iingat
Natutong mag aral, natutong magsaya
Dulot mo ay init tuwing kami ay nagiginaw
Sa lahat ng panahon bigay mo’y pagasa

Sa ‘yo UP maraming salamat
Ang iyong mga aral ang aking gabay
Baon ko ito sa paglalakbay
Hanggang mapanaw ang buhay

One Reply to “Nostalgia”

  1. Kahit na hindi pa ako sumasakay ng UP Ikot, sapagkat tanto ko ang mga gusaling dapat kong puntahan, bukod pa na sa ibang sangay ng UP ako nag-aral, naniniwala ako na ako din ay magaling, at may mga taong magaling din kaya dapat lamang na mas paghusayan ang pagganap ng ating tungkulin, at isabuhay ang diwa ng isang karapatdapat na mamamayan na taos-pusong naglilingkod; na ang lahat ng tao ay pantay-pantay at hindi alintana ang panlabas na anyo at paniniwala; at tunay na bawal ang overstaying: kung kinakailangan nang umalis, dapat na umalis, kaya bago dumating ang panahong ito ay dapat na naisagawa na ang mga butihing mithiin, sapagkat sapat na ang oras na ibinigay sa atin…Ang tinutukoy ko ay ang buhay.

Leave a Reply

Your email address will not be published.